Unlimited na ang pag- avail ng expanded maternity leave ayon sa Social Security System (SSS).
Ito ang sinabi ni Christine R. Riano, Acting Branch–Head 1 ng Social Security System (SSS) – Romblon sa ginanap na Kapihan sa PIA noong Lunes sa DTI Negosyo Center – Odiongan.
Aniya, hindi rin sila nagre-require ng Marriage Contract para maka- avail ng pinalawak na maternity leave basta’t mapatunayan lang ng isang miyembrong babae na ito ay nanganak at nakapaghulog ng tatlong buwang kontribusyon.
“Hindi kami nagre-require na dapat kasal, basta napatunayan ng miyembrong babae na nanganak siya either normal or caesarian section, nakapaghulog ng tatlong buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan sa semestre ng panganganak ay qualified po siya”, paliwanag Riano.
Matatandaan na noong Mayo 1 ay nilagdaan ng Civil Service Commission (CSC), Department of Labor and Employment (DOLE) at Social Security System (SSS) ang Implementing Rules and Regulations para sa naturang batas.
Sa ilalim ng naturang batas ay bibigyan ng 105 araw na paid maternity leave ang mga ina kung saan sakop nito ang mga kababaihan sa pribado at pampublikong sektor, kabilang na ang informal sector workers.
Ang sinumang employer na lalabag dito ay pagmumultahin ng halagang aabot sa P200, 000 at pagkakakulong ng hanggang anim na taon.