Bilang isang probinsyang matagal nang nagnanais ng lehitimong pagbabago at progreso, ang Romblon ay kailangang pamunuan ng mga pampublikong-lider na handang tugunan ang mga hamon na kaakibat ng pag-unlad nang may takot at pananagutan sa bayan.
Alinsunod sa nabanggit, ang INTEGRIDAD ay isa sa mga dapat na pamantayan sa pagpili ng mga pampublikong-lider sa darating na halalan.
Isa sa mga nagnanais makabalik sa pinaka-mataas na pampublikong posisyon sa probinsya ay ang isang “abugado” na hindi na kailangang pangalanan. Sa kanyang 21 taon na paghahari sa probinsya at sa mga nakaukit nyang mukha at pangalan sa mga kalsada, gusali, bag, lamesa, electric fan at kahit ballpen, marahil ay kilala nyo na siya.
Kilala at naghari, ngunit nasa kwestyon ang kanyang INTEGRIDAD bilang isang lider na magrerepresenta ng mga layunin at interes ng bawat Romblomanon sa kabila ng kasong KURAPSYON na kanyang kinakaharap.
Ang kasong nabanggit ay nakaugat sa maanumalyang pagbili ng 3,333 fertilizer sa Feshan Philippines Inc. na nagkakahalaga ng 1,500 piso kada bote o may kabuuang 4,863,823 milyong-piso habang siya ay nanunungkulan bilang gobernador noong taong 2004.
Ayon sa Ombudsman, o ang TanodBayan na nagi-imbestiga at umuusig sa mga pampublikong-opisyal na may mga kasong kriminal, ang pagbili ng mga naturang fertilizer ay WALANG PUBLIC BIDDING, bagay na taliwas sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act at may pananagutan sa Republic Act 3019 o tinatawag ding Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kung babalikan ang kasaysayan, ang kasong ito ay may kaugnayan sa “Fertilizer Fund Scam” o ang eskandalong nagbunyag ng malawakang pagkamkam ng kaban ng bayan sa pamamagitan ng paglabas ng higit 728 milyong-piso para sa fertilizer fund noong administrasyong Arroyo sa nasabi ring taon.
May mga napanagot na sa eskandalong ito at marami pang kasong katiwalian ang nakabinbin sa korte.
Mistulang matagal ang proseso ng hudikatura sa mga ganitong uri ng kaso. Hindi pa man nasisentensyahan ang “abugadong” ito, mainam nang tayo ay mabahala sa mga kandidatong may aktwal na kasong katiwalian sa korte.
Sa kabilang banda, batid naman natin na marami na ang nagawa ng “abugadong” ito para sa probinsya. Sa kabila ba naman ng sobra dalawang dekadang panunungkulan, talagang may maibabandera kang sankaterbang mga “proyekto.”
Gayunpaman, ang kasong KURAPSYON na nakabinbin sa korte ay isa lamang indikasyon na ang kandidatong ito ay may bahid at maaaring may mabigat na kasalanan sa bayan.
Patuloy ang masikhay at sama-samang pakikiisa ng bawat Romblomanon tungo sa inaasam na pag-unlad. Ngunit, ang pagsusumikap na ito ay kabalintunaan lamang kung tayo ay maghahalal ng kandidatong may mabaho at malaking DUNGIS na nakadikit sa kanyang pangalan.
Matuto tayo sa kasaysayan, dinggin ang lohika at konsensya, at ating ISUKA ang mga kandidatong hindi na dapat pagkatiwalaan. Ang pagbabago na ating inaasam para sa probinsya ay magiging makatotohanan lamang kung ang ating mga lider ay handang tugunan ang hamon ng pagbabago para sa kabutihan ng lahat nang may takot at pananagutan sa bayan.