Ang Saint Vincent Ferrer Multi-Purpose Cooperative sa pakikipagtulungan ng Association of Municipal Health Officers of the Philippines (AMHOP) – Romblon Chapter ay nagsagawa ng libreng ‘Operation Tuli’ sa bayan ng Cajidiocan.
Humigit kumulang sa 80 kabataang lalaki ang sumalang sa libreng pagpapatuli na pawang nasa edad 9-14 taong gulang.
Layunin ng aktibidad na ito na mabigyan ng libreng serbisyo ang mga batang kalalakihan na kung saan mas higit nilang kailangan ang ganitong uri ng serbisyo o atensiyong pagkalusugan ngayong panahon ng bakasyon.
Sinabi ni Dr. Renato R. Menrige Jr, Municipal Health Officer ng RHU-Calatrava at National President ng AMHOP, na malaking tulong ito sa mga kabataan lalo na sa mga kabilang sa mahihirap na pamilya na nais magpatuli nang ligtas at maayos.
Aniya, kapag panahon ng bakasyon ang pinipili nilang pagkakataon na magkaroon ng Operation Tuli sapagkat makapagpapagaling ng maayos ang mga batang nagpatuli.
Kinagisnan na aniya ng mga magulang ang kahalagahan ng tuli sa kalusugan ngunit minsan ay ipinagpapaliban ito ng mga mahihirap na pamilya dahil sa kakulangan ng perang ibabayad sa pribadong doktor.
Nais rin nilang tuldukan ang tradisyunal na pagpapatuli para maiwasan ang impeksiyon.
Nagpapasalamat ang pamunuan ng SVFPMPC sa suporta ng AMHOP sa naturang aktibidad gayundin sa kasipagang ipinamalas ng mga nurses na sina McQueen Manzo, Irish John Agustin Fabella, Arne Rafol-Rodeo at Amor Molo na boluntaryong sumama sa Operation Tuli. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)