May aabot sa mahigit 15 na kabataan sa bayan ng Odiognan ang nagtapos ng aabot sa 120 oras na pagsasanay para maging rescue volunteers kung sakaling may sakuna.
Ang mga bagong graduate ay sinanay at ngayo’y opisyal ng miyembro ng Romblon Rescue Volunteer Association Incorporated (RRVAI), isang non-government organization sa lalawigan na tumutulong sa gobyerno kung sakaling may sakuna.
Ayon kay Gesmar Fabula, presidente ng RRVAI, ang mga kabataan ay dumaan sa iba’t ibang pagsasanay katulad ng Water Search and Rescue (WASAR), CPR Training, at iba pa para masigurong handa sa anumang sakuna.
“Ika-pitong batch na ito ng mga pumasok sa amin upang sumali bilang mga rescue volunteers, maganda at kahit bata pa’y nagiging mulat na sila sa pagiging handa,” ayon kay Fabula.
Sa panayam naman ng Romblon News Network kay Jenica Manasan, isa sa mga nagtapos sa pagsasanay, sinabi nito na handa na siya kung sakaling may mangyaring sakuna kahit saan pa man siya hindi lang para iligtas ang kanyang sarili kundi na rin ang iba.
“Magagamit ko siya sa ibang tao, incase ng emergency, kasi minsan wala kang magagawa… Kasi pumasok ka sa pagsasanay na ito para makatulong sa iba. Ako yung taong tutulong sakanya, hindi ba na tatawag ka pa ng iba,” ayon kay Manasan.
“Gusto ko rin siyang ma ibahagi sa iba, ‘yung knowledge, para marami pang matulong sa lugar natin,” dagdag nito.
Maliban sa pagiging rescue volunteers kapag may sakuna, ang mga miyembro rin ng RRVAI ay nagsasagawa ng community service sa iba’t ibang lugar sa Romblon.