Ikinababahala ng mga residente ng Barangay Concepcion Norte sa bayan ng Santa Maria sa Romblon ang katabi ng kanilang mga bahay na ilog na puno ng mga basura, plastic at lumot.
Sa mga kuha ng isang netizen, makikita ang iba’tibang basura kagaya ng diapers, plastic bottles, at mga balat ng chichirya ang nakakalat sa ilog na kulay green na dahil sa lumot.
Ang nasabing ilog ay diretso dapat sa dagat ngunit hindi umano ito dumadaloy dahil sa nakatambak na buhangin sa bukana ng ilog.
Paliwanag ng ilang residente ng Santa Maria, ang ilan umanong nakatira malapit sa ilog ay dito na itinatapon ang kanilang mga basura dahil wala umanong dumpsite o landfill ang bayan kung saan pwedeng magtapon ng basura.
Batay sa Annual Audit Report ng Commission on Audit noong 2017 na lumabas lang noong nakaraang taon, ang pagkolekta sa mga basura ng munisipyo ay hindi ‘regularly practiced’ at wala rin umanong final disposal ficility o sanitary landfill ang bayan, kontra sa iniuutos ng Republic Act 9003 o mas kilalang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Paliwanag pa ng COA, itinigil umano ang pagkolekta ng mga basura kasunod ng pagsasara sa open dupsite ng munisipyo na matatagpuan sa Barangay Concepcion Sur matapos irekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Samantala, ayon sa sagot ng munisipyo sa COA, ang pagkolekta sa mga basura ay nakasasalay sa mga barangay alinsunod sa ginawa nilang ordinansa. Kaugnay naman umano sa pagkakaroon ng sanitary landfill, hindi umano natuloy ang kanilang plano sa boundary ng Barangay Concepcion Norte at Barangay Paroyhog matapos hindi ito pumasa sa criteria ng DENR.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang munisipyo kaugnay sa mga basurang nasa ilog at kung paano nila ito bibigyan ng solusyon.