Anim na mangingisda mula Marinduque ang naaresto ng mga tauhan ng Banton Municipal Police Station matapos iligal na mangisda sa Dos Hermanas Island, Banton, Romblon nitong Huwebes ng hapon.
Ayon sa Banton Municipal Police Station, nagkasa sila ng seaborne patrol sa Barangay Libtong bandang 4:30 ng hapon, dito nila nakita ang isang bangka na may sakay na mga mangingisda.
Naaktuhan silang nagingisda sa gitna ng Carlota at Isabela Island gamit ang isang compressor.
Ang mga naaresto ay dinala sa Poblacion para pagmultahin ng P7,000 matapos lumabas sa Municipal Ordinance na nagbabawal sa paggamit ng compressor bilang breathing apparatus.
Nakalaya na ang mga mangingisda at nakabalik na ng Buenavista, Marinduque matapos magbayad ng multa sa Municipal Treasurer’s Office.
Paalala ng Banton Municipal Police Station, ugaliing sundin ang mga ordinansa ng bayan para makaiwas sa multa dahil hindi umano nila pagbibigyan ang sinumang mahuling lalabag sa mga ito.