Pinakawalan nitong Martes sa dagat ng Sitio Binucot, Barangay Bunsuran sa Ferrol, Romblon ang aabot sa 42 na baby pawikan.
Dinaluhan ang pagpapalaya sa mga pawikan ng mga empleyado at estudyante ng Philippine Science High School MIMAROPA Region Campus, at Provincial Science and Technology (PSTC)-Romblon sa pangunguna ni Provincial Director Marcelina Servañez.
Ayon sa pamunuan ng Pawikan Hatchery sa Bgy. Bunsuran, ang mga baby Hawksbill sea turtle ay nakita ng mga miyembro ng Bantay Dagat noong March 11 na nakabaon sa ilalim ng buhangin kaya dahan-dahan nila itong inilipat patungo sa hatchery para maalagaan. Sa kasamaang palad, 42 lamang mula sa 111 na nakitang itlog ang napisa nitong nakaraang araw.
Para sa otoridad, malaking bagay ang pagpapakawala sa mga baby pawikan para dumami pa ang sila sa karagatan.
Sinabi noon ng Department of Environment and Natural Resources na ang kalimitang nakikita na nangigitlog na pawikan sa Barangay Binucot ay ang Green, Olive Ridley, Hawksbill at Leatherback.