Hiniling ni dating Calatrava Mayor Robet Fabella sa mga kasama nitong kandidato sa mga posisyon ngayong local elections 2019 na maging tapat sa pagserbisyo at sa pagharap sa mga tao.
Sa isang media interview nitong nakaraang buwan kay Fabella sa Odiongan, sinabi nito makonsensya sana umano ang mga politiko na papasok lang sa politika para kumita ng pera, dapat umano ay ipakita ang totoong serbisyo na dapat matanggap ng mga taga-Romblon.
“Ang pagserbisyo ay hindi naman kailangan na graduate ka ng college o whatever, ang sa akin lang maging tapat ka,” ayon kay Fabella.
“Tayong mga pulitiko, let’s be honest. Kung papasukin mo ang pulitika at pagnakawan mo dadalhin mo yan habang buhay ka, at ako ay naniniwala sa karma,” dagdag pa ni Fabella.
Hiniling rin ni Fabella na maging totoo at huwag pagkakitaan ang mga proyekto ipinapagawa ng gobyerno para sa publiko at kung gusto umano talagang kumita ay huwag nalang tumakbo kundi mag negosyo nalang.
“Wag maging kurap, kasi pag kurap ka hindi mo matatapos ang kalsada, pag kurap ka hindi mo matatapos ang patubig, pag kurap ka walang hospital na tatayo, at pambili ng gamot,” ayon pa kay Fabella.
“Bonus na lang natin ito sa ating mga kababayan na minsan sa buhay nating mga pulitiko ay naging honest tayo, ibigay natin sa kanila ang tamang serbisyo, wag na nating pagkakitaan ang pulitika,” dagdag pa ng dating Mayor.
Si Fabella ay makakalaban ni incumbent Vice Governor Jose Riano sa pagiging Gobernador ng probinsya ngayong May 13.