Napatay matapos di umanong manlaban sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency – Romblon Provincial Office ang isang drug personality ng bayan ng San Andres nitong Linggo ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Nicotades Laban, tubong Oriental Mindoro at kasalukuyang naninirahan sa bayan ng San Andres, Romblon.
Ayon sa PDEA-Romblon, nagkasa sila ng buy-bust operation laban sa suspek ngunit gusto umano nito na sa bayan ng Looc magkaroon ng transaksyon sa halip na sa sariling lugar sa San Andres.
Pagbigay ng suspek sa isang sachet na di umanoy may lamang shabu sa tauhan ng PDEA na nagpanggap na poseur buyer, nakatunog umano ito at biglang bumunot ng baril at akmang papaputukan ang PDEA agent kaya inunahan na ito ng agent.
Nagtamo ng dalawang tama sa katawan si Laban at agad na dinala sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng attending physician.
Nakuha sa crime scene ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu, isang baril na di umanoy binunot ng suspek, at isang motorsiklo na sinakyan nito.
Nakuha rin ng doctor na humawak sa suspek sa ospital ang tatlong sachet ng pinaghihinalaang shabu, at lagayan ng pospuro.
Ayon pa sa PDEA-Romblon, matagal na nilang binabantayan ang galaw ng suspek dahil sa karatig na probinsya pa ito ng Mindoro kumukuha ng supply ng iligal na droga.