Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) – Mimaropa na ipapatupad ang batas sa mga restaurant at hotel na nagtatapon ng maduling tubig sa Bacuit Bay, sa El Nido, Palawan.
Ang Bacuit Bay ay isa sa mga katubigan na sumasailalim ng rehabilitasyon.
Ayon kay DENR Mimaropa Regional Executive Director Henry Adornado, inaantay lang nila ang mga resulta ng laboratory test sa mga iniimbistigahan establisimento.
Kapag hindi nagbago ang mga establisimento, sinabi ni Regional Director Adornado na wala silang magagawa kundi ang ipatupad ang batas.
Ang pahayag ni Director Adornado ay kasunod ng paghahain ng DENR ng cease and desist orders (CDOs) sa may sampung establisimento kamakailan lang dahil sa paglabag sa Philippinw Clean Water Act of the Philippines at iba pang batas.
Ang mga binigyan ng CDOs ay ang mga sumusunod: El Nido Sea Shell Resorts and Hotel sa Brgy. Buena Suerte; Doublegem Beach Resort and Hotel; Buko Beach Resort; Panorama Resort (Mangonana Inc.), Four Seasons Seaview Hotel, at Stunning Republic Beach Resort sa Brgy. Corong-corong; Sava Beach Bar/Sava Nest Egg Inc., El Nido Beach Hotel, at The Nest El Nido Resorts and Spa, Inc. sa Brgy. Masagana.
Maging ang Cuna Hotel, matatagpuan din sa Brgy. Maligaya, ay nabigyan ng CDO dahil sa pagtatapon ng maitim at mabahong tubig alinsunod sa kautusan ng Pollution Adjudication Board (PAB).
Mula sa kusina hanggang kubeta, sinelyuhan ng mga tauhan ng DENR sa pangunguna ng Environment and Management Bureau-Mimaropa ang mga gripo, lababo, tubo at outlet pipes.
Ang pagseselyo sa mga pasilidad ay isang paraan para hindi magamit ng establisimento.
Paliwanag ni Engineer Dan Goodwin S. Borja, Engineer IV ng EMB Mimaropa, “Sa amin po sa Enviromental Management Bureau, if the establishment is issued with cease and desist order, ang pinipigilan….cease and desist nila…. ay ang source ng pollution.”
Si Engineer Borja, Officer-In-Charge ng EMB Administrative and Finance Division, ay kasama sa team na naghain ng CDO sa mga establisimento.
Nilagyan din ng karatura ang mga establisimento sa labas ng kanilang gusali para ipabatid sa publiko ang kanilang mga nilabag,
Tiniyak naman ni EMB Mimaropa Regional Director Michael Drake Matias, ang lumagda sa CDO, na dumaan sa proseso ang lahat ng kanilang hakbang.
Batay sa resulta ng laboratory test, ang mga sinuring sample mula sa sewerage system ng sampung establisimento ay lumagpas sa General Effluent Standards for Biochemical Oxygen Demand (BOD) ng DENR.
Ang BOD ay sukatan ng kalidad ng oxygen na ginagamit ng mikro-organismo kapag mayroong nabubulok na organikong materyal sa tubig: malalaman dito kung ano ang epekto ng maduming tubig sa dinadaluyang lugar.
Kapag mataas ang BOD, mataas ang bilang ng organikong materyales sa tubig.
Batay sa ipinalabas na CDO, napatunayan na ang sampung establisimento ay walang permiso para magtapon ng wastewater.
ito’y paglabag sa Philippine Clean Water Act of 2004.
“Bawal po silang magtapon ng tubig (wastewater),”sabi ni Engineer Borja. (LP/DENR Mimaropa)