Tapos na ang election, kaya tama na ang bangayan ng bawat partido o supporters ng mga ‘to. Mas mainam na magkaisa na at isulong ang totoong progreso ng bayan o lalawigan.
Ito sana ang tama sistema sa pulitika.
Laging ang matunog na plataporma de gobyerno ng mga pulitiko ay ang hanguin ang bayan at mamamayan sa kahirapan, at dalhin ang progreso sa lalawigan. Oo nga naman, mabenta. Ikaw ba naman ang nagdi-dildil ng asin, tapos mapapalitan na ito ng lechon, aba’y maganda nga naman.
Pero ilang election na ang lumipas, ganun pa rin naman? Nananatiling mahirap ang maraming mga mamamayan. Bagama’t may programa naman ang gobyerno upang lutasin ang kahirapn sa bansa. Pero pinapatupad ba naman talaga ito ng seryoso?
Kung seryoso, e bakit nananatiling nakapako sa kahirapan pa rin ang maraming mamamayan sa bansa?
O hindi baga sinasadya na manatiling mahirap ang nakararami sa mga mamamayan upang sa panahon ng halalalan ay madali sila malinlang sa pera? Abah, mahirap nga namang bilhin ang boto ng mga botante kung sila ay hindi na naghihirap sa pera.
Hindi lang naman mga pulitiko ang dapat sisihin sa vote-buying kundi mismong ang mga botante. Pero kung tutuusin, ito ay pananamantala ng mga pulitikong namimili ng boto sa kahirapan o pangangailangan sa pera ng mga botante.