Pinangunahan ni Vice President Leni Robredo nitong Biyernes, April 12, ang launching ng Ahon Laylayan Koalisyon sa probinsya ng Romblon kung saan naglalayung magbibigay sa iba’t ibang sector sa Romblon ng boses para makapag-impluwensya sa gobyerno.
Ang Ahon Laylayan Koalisyon ay tutulong sa iba’t ibang sector para makabuo ng isang People’s Council, isang mekanismo na makakatulong para mas makilahok ang tao sa gobyerno, isa itong ideya ng yumaong asawa ni VP Robredo na si dating DILG Sec. Jesse Robredo noong Mayor pa ito ng Naga.
Masayang tinanggap ang pangalawang pangulo sa lalawigan nina Governor Eduardo Firmalo, at Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic.
Sa talumpati ni Robredo, sinabi nito na ang launching na naganap nitong Biyernes ay simula palang at masusundan pa ng dialogue hanggang sa masagot ng gobyerno ang mga hinaing ng mga tao sa iba’t ibang sektor.
Maliban sa paglulunsad sa Ahon Laylayan Koalisyon, nagsalita rin ang bise presidente para ikampanya ang Otso Diretso sa aabot sa halos 1,500 na miyembro ng iba’t ibang sector sa buong probinsya ng Romblon na dumalo sa launching ng event.