Marami ang naiintriga sa mga celebrity kuno na sinasabing sangkot daw sa droga-na kung hindi raw tulak ay gumagamit. Hanggang ngayon kasi, panay lang ang pahaging tungkol dito ng pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Matapos kasing sabihin ni PDEA Chief Aaron Aquino na may 31 celebrity raw na sangkot sa droga, ngayon naman ang ibinigay niyang “clue” eh 20 ang lalaki at 11 ang babae. Iilan lang daw may edad at karamihan ay nasa edad 20 hanggang 30. Iyon nga lang wala pa ring pangalan.
Hindi tuloy maiwasan ng ating kurimaw na pangarap noon na maging artista kung mayroon ba talagang “narco-celebs” list si Aquino o baka raw nangcha-charot lang? Baka raw may planong maging writer o host ang opisyal na ang tema eh mga blind item, aba’y papasa raw ito.
Kung tutuusin, noon pa sinasabing may “narco-celebs” list kahit noong bago pa lang ang kampanya kontra-droga ng pamahalaan. Kung hindi tayo nagkakamali, umabot pa nga yata sa 50 ang ibinigay nilang numero. Pero nakatatlong taon na ang administrasyon, wala pa ring pangalan na lumabas at laging sinasabi na validation pa ang impormasyon.
In fairness din naman, mula nga nang unang lumabas ang balita tungkol sa umano’y “narco-celebs,” ilang artista, modelo, DJ, at ibang nasa kategorya na “celebrity” ang nasakote. Ang iba nakakulong pa at mayroon ding mga nakalaya na dahil napawalang sala ng korte. Kasama kaya sila sa sinasabi ni Aquino na 31?
Ang malaking katanungan ngayon, dapat bang isapubliko ng PDEA ng mga pangalan ng nasa listahan nilang celebrity kaya pa sinasabing hindi pa validated ang impormasyon? May nagsasabing dapat tulad ng ginagawa sa mga lokal na opisyal. May nagsasabing hindi dahil masisira ang mga pangalan nito kung hindi pa naman tiyak ang pagkakasangkot nila sa droga.
Sabi ni Aquino, inilalabas nila ang mga impormasyon kahit mukhang blind item ang dating dahil gusto raw nilang iparating sa mga celebrity na alam nila ang ginawa ng mga ito kaya dapat magbago na. Aba’y suwerte pala ang mga celeb na ito dahil may chance pa silang magbago.
Pero dahil ilang beses na rin naman nagbigay ng mga “clue” si Aquino tungkol sa mga celebs na sangkot daw sa droga (na mayroon pa raw host at napapanood araw-araw), dapat sigurong mag-sampol sila ng sikat at kilala talaga na mahuhuli nila.
Kawawa rin naman kasi ang ibang matitinong celebs dahil tiyak na mag-iisip ang publiko o posibleng paghinalaan nila ang mga artistang papasok sa utak nila. At habang wala pa rin silang sapat na katibayan para kasuhan o i-entrap o i-buy bust ang sinumang celeb sa listahan nila, itigil na muna ang pagbibigay ng iba pang blind item at ituon ang atensyon nila doon sa sigurado sila at big fish na sangkot sa droga.
Samantala isang artista ang nasangkot sa aksidente na nakabangga sa motorsiklo na may sakay na dalawang kawani ng MMDA. Tinakbuhan daw ng aktor ang biktima pero hinabol at nasukol kaya nahuli. Naatrasan pa ng sasakyan niya ang mobile mobile na humuli sa kaniya.
Ang matindi , sinasabi ng mga humuli na “mukhang” lasing ang aktor. Mukhang lasing? Aba’y ilang taon nang naipasa ang batas laban sa drunk driving pero hanggang ngayon eh wala pa rin ba ang mga aparato para masuri kaagad kung nalulukuban ba ng espiritu ng alak ang isang motorista? Kaya magtataka pa ba tayo kung bakit maraming lashinggg na motorista na hindi takot na mag-drive at malalaman mo na lang na lashinggg kapag naakside o nakaaksidente na?
At ngayon eh plano raw na magpatupad ng speed limit na sa lahat ng lansangan para maiwasan ang mga sakuna. May sinusunod kayang speed limit ang lashinggg? Isasama rin kaya ang mga motorsiklo sa speed limit ang mga motorsiklo na kung humarurot ang mga rider eh parang lagiging taeng-tae sa pagmamadali?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)