Tulad ng panahon, tumitindi rin ang init at “bakbakan” sa politika, na sinabayan ng bangayan at mga kandidato sa gaganaping eleksyon sa Mayo. Kasama sa “bakbakang” ito ang mga tinatawag na “keyboard army” o “trolls” na aktibong-aktibo sa social media.
Sabi ng ating kurimaw na laging naka-free data, mukhang kapadong-kapado na ng mga makabagong “spin doctors” ang pasikot-sikot kung papaano gagamitin ang social media para “papogiin” ang kanilang kliyente at “wakwakin” naman ang kalaban ng kanilang kliyente.
Nang umuusbong na ang social media bago ang 2010 elections, marami ang nag-aakala na katapusan na ng “PR” o public relation managers na kinukunsulta ng mga politika [lalo na ang mga kandidato] para mabanguhin ang kanilang imahe. Aba’y baka nga pati amoy ng utot eh itinatanong pa nila kung papaano pababanguhin.
At kung masasabing nasa “trial stage” pa lang noong 2010 elections ang bisa ng impluwensiya ng social media sa “netizens” at maging sa “mainstream media,” ngayon at hindi na maitatanggi ang kalahalagahan ng “like,” “comments”, at “shares.
Kapag marami kasing comments, like at share ang isang post, magiging “trending” at “viral” ito. Ibig sabihin, mas maraming tao ang makakakita, at posibleng “pick-upin” ng media, na lalo pang mas maraming tao ang makakakita.
Kung politiko ka o kandidato, marami matutuwa sa iyo kung maganda ang nag-viral mong video o picture. Pero kung nabiktima ka naman ng tinatawag na “black propaganda” o “fake news” para ka siraan, aba’y yari ka.
Ang ibang mga PR manager o “spin doctor” na inakalang magiging “dinosaur” na o maglalaho dahil sa pag-usbong ng social media, aba’y nag-“mutate,” o nagbagong-anyo sila.
Marami sa kanila ang pinag-aralan kung papaano nila magagamit sa kanilang propesyon at negosyo ang social media para maging kapaki-pakinabang pa rin sila sa “digital age” ng pulitika at kampanya.
At ngayon nga, aba’y may mga tinatawag pa sa kanilang mga “influencer” na kaya raw magbuo ng topic na kakagatin ng netizens upang pasikatin o palubugin ang isang tao.
Dahil marami pa rin naman sa netizens ang mangmang para alamin ang totoo sa gawa-gawang nababasa nila sa social media, ayun, madali silang mapapaniwala.
Ang ibang PR manager na sadyang “jurrassic” na talaga at napag-iwanan ng teknolohiya, kumuha na lang ng tauhan nila na magiging “influencer” na gagawa ng trabaho kung papaano magpapakalat ng lagim, este, impormasyon sa social media.
Ang mga punong-kabig na “influencer,” bumuo ng kaniyang mga “kawal” o “digital army” na gumawa ng maraming account sa social media.
Ang mga tauhan niyang ito, kukuha rin ng iba pang tauhan na gagawa rin ng maraming mga account na may iba’t ibang pangalan, o bubuo ng “group” o “page,” para makakuha ng mga “member” na lehitimong social media users.
Simple lang, parang investment scam na kailangan ng mga “downline,” at kapag marami na ang ang miyembro, isang “post” lang ng isyu sa group o page, madali nang kakalat para i-share nang i-share.
Wala ring problema sa pagsisimula o pag-set ng tempo kung pabor o hindi sa paksa ng isyu dahil ang mga “fake” accounts ang unang kakamada sa mga “comments.”
Hindi kataka-taka kung may mga pumapasok sa ganitong kalakaran ng tinatawag na “trolls” dahil daw sa laki ng sahod. Kung tama ang sabi sa isang ulat, aba’y aabot ng P20,000, P40,000 hanggang P70,000 bawat buwan daw ang puwedeng sahurin ng isang “troll.” Depende yan sa dami ng magagawa niyang accounts, mga makukuha nilang followers, at kung kaya niyang bumuo ng isyu para mapapogi ang kliyente o wakwakin ang kalaban.
Kaya naman mahalaga ang ginagawa ngayon ng pamunuan ng Facebook para linisin at “lipunin” ang mga fake account na ginagamit ng mga grupong may padrino para impluwensiyahan ang mga netizen, lalo na ang mga naninira at nagpapakalat ng “fake news.”
Pero habang patuloy ang ginagawang pagpupurga ng FB, dapat laging alerto at pag-aralan ng netizens ang mga nakikita nila sa social media kung true o trolls.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)