Muling umarangkada ang ikalawang serye ng Oplan Baklas ng Commission on Election (COMELEC) ngayong linggo sa iba’t ibang munisipyo sa lalawigan ng Romblon.
Ang Task Force Baklas na binubuo ng mga tauhan ng DPWH, PNP, Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) Inc., at Comelec ay muling nagbaklas ng posters ng mga kandidatong hindi na naman sumunod sa nakasaad sa election code pagdating sa paglalagay ng kani-kanilang campaign paraphernalia.
Ayon kay Municipal Election Officer Dennis M. Servañez, alinsunod sa utos ni Atty. Patrick E. Enaje, Provincial Election Supervisor IV, kaya muli nilang ikinasa ang operation baklas upang ipakita sa mga kandidato na hindi ningas kugon ang pagpapatupad nila ng batas para sa nalalapit na halalan.
Ayon sa opisyal, matapos kasi ang unang Oplan Baklas na ikinasa ng Comelec – Romblon kung saan gabundok na mga campaign posters ang nakolekta ng Task Force Baklas ngunit makalipas lamang ng ilang araw ay balik na naman sa dati ang sitwasyon na labis na ikinadismaya ng Comelec.
Marami aniyang mga campaign posters ang oversized, nakasabit sa puno o poste ng kuryente, hindi nakalagay sa common poster area na designated ng Comelec at iba pang karaniwang violation ng mga tumatakbong kandidato.
Tiniyak ng Comelec na pagkatapos ng pagbabaklas ngayong linggo ay padadalhan na nila ng subpoena ang sino mang kandidatong lumabag sa kanilang panuntunan. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)