Arestado ang isang nakainum na lalaki sa Romblon, Romblon matapos hamunin ng suntukan ang barangay captain ng Barangay Agnay.
Sa police report ng Romblon Municipal Police Station na nakarating sa opisina ni Police Captain Ledilyn Y. Ambonan, spokesperson ng Romblon PPO, bandang 7:30 umano kagabi habang nakikipag-usap umano si Barangay Captain Charles Dela Vega, 59, sa bahay ng isa sa kanyang kagawad, ng bigla umanong dumating ang suspek na si Marcial Malayo Jr. at naghanap ng inumin.
Painum rin ni Kapitan si Malayo at sinabihan na umalis na dahil nakainum na ngunit si Malayo, nag-init ang ulo at nagwala sa harap ni Kapitan.
Isang Gil Relox ang sinubukang awatin si Malayo para kumalma ngunit kahit ito ay pinalo rin di umano ng suspek ng hawak niya na steel bar. Habang pinapakalma ni Relox ang suspek, bigla ito ulit sumigaw at hinamon ng suntukan ang kanilang barangay captain.
Matapos ang isang oras, saka lang pinagtulungang maaresto ng mga barangay officials ang suspek at dito na siya ibinigay sa pulisya.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Romblon Municipal Police Station at posibleng maharap sa kasong Alarm and Scandal, Direct Assault, at Resistance and Disobedience to a person of Authority.
Wala itong pahayag.