Kabikabilang iligal na mga campaign materials ng mga politiko sa Romblon ang pinaaksyonan ng isang kandidato sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa pahayag ni SP Felix Ylagan, hinahamon nito ang concerend agencies na magsagawa ng ”Operation Baklas” sa buong lalawigan dahil sa laganap sa mga ilegal at malalaking political propaganda materials na hindi nakalagay sa tamang lugar.
Sinabi ni Ylagan na may mga campaign materials na sobrang laki at wala sa tamang sukat na itinakda ng omnibus election code, at ilan pa umano rito ay nakalagay sa ilang school compounds.
Ilan rin sa mga campaign posters ay nakadikit mismo sa mga puno na ipinagbabawal naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Paliwanag ni Ylagan, dapat gumawa agad ng aksyon ang Comelec at DENR sa mga lumalabag sa elections code at hindi pagsunod sa mga designated areas na itinalaga ng ahensya kung saan nararapat ilagay ang mga propaganda o campaign materials ng bawat kandidato.
Sa isang panayam, sinabi ni Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Maximo Landrito, na makikipag-ugnayan ang kanilang opisina sa COMELEC para maaksyunan ang mga hinaing.
Humiling rin ito sa mga kandidato na igalang ang mga punong kahoy at ang Mother Earth sa pamamagitan ng hindi pagpapako ng mga campaign materials sa mga puno.