Sugatan ang apat katao kung saan nagtamo pa ng bali sa kamay at paa ang isa sa kanila matapos masangkot sa magkahiwalay na salpukan ng motorsiklo sa bayan ng Cajidiocan, Romblon nitong Lunes, April 22.
Nangyari ang unang aksidente bandang 12:25 ng tanghali sa Barangay Marigondon, kung saan nabaliaan sa paa at kamay ang rider na si Vina Villacorta, 48-anyos.
Batay sa imbestigasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station, binabaybay ni Villacorta angkas ang kanyang 19-anyos na anak ang national road patungong Poblacion ngunit pagdating nila sa may pakurbang daan sa Brgy. Marigondon, bigla silang sinalpok ng kasalubong na motorsiklo na minamaneho ng isang menor de edad na estudyante ng Danao National High School.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga sakay dahilan upang mabalian ang matandang Villacorta. Agad naman siyang dinala sa Sibuyan District Hospital para gamutin.
Samantala, pagdating ng 4:55 ng hapon, isa nanamang aksidente ang naganap sa Barangay Cambijang.
Batay sa imbestigasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station, binabaybay ng tricycle na minamaneho ni Adalino Repil, 54-anyos, ang kahabaan ng national road patungo namang Poblacion, San Fernando nang bigla namang salpukin ng kasalubong ring motorsiklo na minamaneho ni Alfredo Rizaldo, 44.
Tumilapon ang dalawang driver at ang angkas ni Rizaldo na kinilalang si Rosalie Laplano, 50-anyos, dahil sa lakas ng impact ng pagkakasalpok.
Agad naman silang isinugod sa Sibuyan District Hospital matapos magtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dinala na sa Cajidiocan Municipal Police Station ang mga sangkot na sasakyan.
Paalala ng pulisya, mag dahan-dahan sa pagmamaneho at siguraduhin ring may suot na safety gear kung nagmamaneho sa mga national roads.