Sa sobrang init ng panahon, nasunog ang bahagi ng kabundukan ng Barangay Calagonsao sa bayan ng Alcantara, Romblon nitong Good Friday, April 19.
Ayon kay August Imperial, residente sa nasabing barangay, nagsimula ang sunog sa Sitio Magsupot at kumalat hanggang Sitio Ilaya.
Sa laki ng lawak ng apoy, wala ng nagawa ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection kundi pigilan nalang na madamay ang ilang kabahayan na malapit sa bundok.
Nagsimula ang sunog bandang madaling araw ng Biyernes, at napatay ay bandang alas-11 ng gabi ng araw ring iyon.
Wala namang nadamay na bahay at wala ring nasaktan na tao sa nasabing sunog ngunit malapad na niyogan ang nadamay sa sunog na posibleng makaapekto sa mga magsasaka sa lugar.
Paalala ng Bureau of Fire Protection, mag-ingat sa mga magsisiga o magtatapon ng apoy sa bukid dahil tuyo umano ang mga dahon at mas mabilis itong kapitan ng apoy hanggang sa kumalat.