Hinihikayat ng Department of Science and Technology-MIMAROPA (DOST-MIMAROPA) ang mga mag-aaral na kasalukuyang nasa ikalawang taon sa kolehiyo na mag-apply sa Junior Level Science Scholarship o JLSS Program ng ahensya hanggang Abril 26.
Ayon sa DOST-MIMAROPA, maaaring maging iskolar ang mga natural-born Filipino citizen at kasalukuyang nag-aaral sa alinmang kursong kinikilala ng ahensya na may kinalaman sa siyensya at teknolohiya.
Kailangan umanong tiyakin na hindi bababa ng 83 percent ang general weighted average o GWA, walang bagsak na grado sa mga nagdaang semestre at, higit sa lahat, maipasa ang JLSS examination.
Taunang makatatanggap ang isang JLSS scholar ng Php 40,000 para sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan. Bukod pa dito, makatatangap din ang iskolar ng book allowance, premium insurance, buwanang allowance at post-graduation clothing allowance.
Magkakaloob din ng transportation allowance ang ahensya para sa mga mag-aaral sa labas ng kanilang lalawigan at summer allowance naman kung nakasaad sa curriculum.
Para sa mga interesado, isumite ang mga kinakailangang dokumento sa mga pinakamalapit na DOST-Provincial Science and Technology Center simula 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m. tuwing araw ng Lunes hanggang Biyernes maliban sa mga idineklarang holiday.
Kabilang sa hinihinging dokumento ang sumusunod: application form na maaaring idownload sa website ng DOST-Science Education Institute (DOST-SEI), www.sei.dost.gov.ph; certificate of good moral character; certificate of good health; certificate of program of study and year level; official transcript of records (TOR) o true copy of grades; dalawang 1”x1” pictures; photocopy ng birth certificate; at photocopy ng anumang dokumento na naglalaman ng DepEd Learner Reference number.
Samantala, kailangan ding dalhin ng mga aplikante sa RA 7687 o kabilang sa pamilyang may gross income na mas mababa sa Php 301,000 ang patunay na residente siya sa kinatitirhang munisipyo sa loob ng nakaraang apat na taon, household information questionnaire, Income Tax Return ng mga mga magulang at employment contract kung ang magulang ay OFW, BIR certificate of tax exemption, at mga electric bill sa nagdaang tatlong buwan.
Nakatakda namang isagawa ang JLSS Scholarship Examination sa darating na Hunyo 2. Sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa tanggapan ng ahensya sa rehiyon sa numerong (02) 837-3755 o sa Facebook page https://www.facebook.com/DOSTMIMAROPA.