Nasunog nitong Sabado de Gloria, April 20, ang isang bahagi ng Division Office ng Department of Education (DepEd) Romblon sa bayan ng Romblon, Romblon.
Sa Facebook Post ni School’s Division Supt. Roger Capa, sinabi nito na nasunog ang conference room ng opisina at hindi na rin naman ito kumalat pa matapos maagapan ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Tinatayang aabot sa P700,000 ang halaga ng nasunog na mga kagamitan sa loob ng conference room.
Nakikipag-ugnayan na umano ang opisina ni Capa sa pribadong indibidwal, NGO, at sa Regional Office ng DepEd upang makahingi ng tulong para mabilis na maisaayos ang nasunog na conference room at mapalitan ang mga nasunog na gamit rito.
Nitong Lunes, naibalik na ang supply ng kuryente at tubig sa Divison Office habang patuloy namang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection kung ano ang pinagmulan ng nasabing sunog.