Bilyun-bilyong halaga umano ng mga government infrastructure projects ang nakatiwangwang sa halos 12 bayan sa Romblon matapos umanong mapabayaan ng mga contractors simula pa noong 2015.
Ayon kay Gie Roa ng Sibuyanons Around the Globe, Inc. (SAGI), may halos P1.5 bilyon na circumferential roads at tatlong malalaking tulay na nagkakahalaga ng P210 million sa mga bayan ng Cajidiocan, Magdiwang at San Fernando sa isla ng Sibuyan ang hindi pa rin tapos hanggang sa ngayon.
Ang mga nasabing proyekto ay ipinagagawa ng Department of Public Works and Highways subalit hanggang sa ngayon ay hindi parin natatapos.
“It’s a wasted taxpayers money dahil hindi pa rin tapos ang mga proyekto na kayang tapusin ng 10 buwan lamang. Umabot na nang halos limang taon kaya halos lahat ng construction materials nito ay nabulok at kung hindi ay sira na,” paliwanag ni Roa.
Matatandaang taong 2018 nang makapanayam ng mga mamahayag sa Romblon si DPWH-Romblon District Engr. Napoleon Famadico, at sinabi nito na bibigyan niya ng palugit ang contractor ng ilang proyekto sa Sibuyan ng hanggang June 2018 para matapos ang mga proyekto ngunit nabigo ang mga contractor.
Sinusubukan pang muling makapanayam ng Romblon News Network si Engr. Famadico kaugnay sa mga pahayag ni Roa.