Isang heavy equipment ng JD Legaspi Construction ang pinaghihinalaang sinadyang sinunog nitong nakaraang Linggo sa Barangay Danao sa bayan ng Cajidiocan, Sibuyan Island, Romblon.
Ayon kay Police Colonel Arvin Molina, director ng Romblon Police Provincial Office, bandang 10:30 ng umaga nitong nakaraang Miyerkules, April 10, nang makatanggap ng tawag ang Cajidiocan Municipal Police Station mula sa Barangay Captain Joselito Male na may backhoe na nasusunog sa kanilang lugar.
Agad na nakipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection ang Cajidiocan Municipal Police Station para makapagresponde sa sunog.
Sa imbestigasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station, pinaghihinalaang sinadyang sunugin ang backhoe ng isa sa mga empleyado ng nabanggit na construction firm na natanggal noong araw rin na iyon sa trabaho matapos mabuking na namemeke ng payroll.
Sinabi pa sa imbestigasyon ng pulisya na may nakarinig umano sa suspek na nag iwan ito ng threat noong oras na siya ay sinuspende sa trabaho.
Tinatayong aabot sa mahigit P6-million ang halaga ng backhoe na nasunog.