Inaasahang maglalatag na sa mga susunod na buwan ang PLDT Inc. ni Manuel V. Pangilinan ng mga Fiber Optic Cables mula Mindoro patungong Odiongan, Romblon para sa pinakahihintay na internet connection upgrade ng PLDT sa probinsya ng Romblon.
Ayon sa Municipal Engineering Office ng Local Government Unit ng Odiongan, tumungo na sa kanilang opisina ang mga contractor ng PLDT Inc. para sa kanilang gagawing paglalatag.
Matagal ng kinumpirma ng PLDT Inc. na ngayong 2019 nila ikakasa ang kanilang planong paglalatag ng mga Fiber Optic Cables mula MIndoro patungong Tablas Island at Sibuyan Island.
Sa hiwalay na post naman ni Cajidiocan SB member Marvin Ramos, lumapit na umano sa kanila ang PLDT noong nakaraang Linggo para ipaalam ang kanilang planong paglatag ng Fiber Otpic Cables sa bayan ng Cajidiocan.
Inaasahang magbibigay ng mula 5mbps na unlimitted internet connection ang PLDT Fibr hanggang 50mbps kung sakaling tapos na makapaglatag hanggang sa mga bahay sa probinsya.
Samantala, hindi pa malinaw kung kasama sa ilalagay na Fiber Optic Cables ng PLDT ang kanilang serbisyo pagdating sa landlines.