Hindi umano nagkaintindihan ang kapitan ng barko at ang taong naka-assign sa engine na naging dahilan ng pagsalpok ng M/V Grand Venture 1 ng Navios Shipping Lines, Inc. sa seawall ng Barangay Bagacay, Romblon, Romblon kaninang madaling araw.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nag nagmamaneobra ang barko nang mangyari ang aksidente kung saan sakay ang ilang pasahero na residente ng Romblon, Romblon at Sibuyan Island, Romblon.
Ayon sa mga residente ng lugar, nagising sila matapos makarinig ng malakas na kalabog sanhi ng sumalpok na barko sa seawall.
Nadamay rin sa aksidente ang pumpboat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakaparada rin sa Barangay Bagacay matapos itong madaanan ng barko.
Sa ngayon, dinala na ang barko sa Romblon Port kung saan ang opisina ng Philippine Ports Authority habang patuloy ang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard at PNP Maritime Group sa aksidente.
Inaalam rin ang posibleng damage sa nasabing barko at kung pwede pa itong maglayag.