Naospital ang isang lalaking hiker matapos na mapagtripan at bugbugin ng anim na kalalakihan sa Barangay Dubduban, San Agustin, Romblon nitong madaling araw ng Miyerkules.
Kinilala ang biktima ni Police Senior Supt Arvin Molina, Provincial Director ng Romblon Police Provincial Office, na si Juvy Constantino Flaviano, 21-anyos, residente ng parehong barangay.
Ayon sa imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station, naglalakad si pauwi si Flaviano sa kanilang barangay nang bigla umano niyang mapansin na may dalawang motorsiklo na sumusunod sa kanya. Ilang minuto pa ang lumipas bumalik ang dalawang motorsiklo na may tig-3 sakay. Dito na nila kinumprunta ang walang kamalay-malay na si Flaviano at pinagbugbog.
Maliban sa suntok at sipa na natampo ni Flaviano sa kanyang katawan, pinalo rin umano siya ng 2×2 na kahoy dahil paran magtamo siya ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Iniwan nalang umano si Flaviano sa kalsada ng anim na suspek matapos akalain nilang patay na ang biktima dahil hindi na ito gumagalaw.
Dagdag ni PSSupt. Molina, 7:30 ng umaga nang magsumbong sa San Agustin Municipal Police Station si Kagawad Agustin Merano Flaviano, 50, ng Brgy. Binonga-an sa parehong bayan na di umanoy binugbog ng ilang kalalakihan ang kanyang pamangkin.
Dito na nag-imbestiga ang pulisya at nadakip ang isa sa mga suspek na nakilala ni Flaviano na si John Alnor Fallos Miñon.
Matapos na makausap ng pulisya si Miñon, inamin nito na may kasama siya sa krimen at ito ay sina Dino Ladao, Kurt Justin Silva Mangaya, Jake Meres Manasan, at Emman Will Rey Solano Maquinto. Agad namang pinuntahan ng pulisya ang binanggit ni Miñon na apat na tao para arestuhin.
Samantala, inamin rin ng apat na kasama rin nila sa krimen si Ramiel Manipol Fabrigas, dahilan para puntahan rin ito ng pulisya at arestuhin.
Hindi pa tukoy ang dahilan ng anim kung bakit nila binugbog si Flaviano.
Nagpapagaling na ngayon ang biktimang si Flaviano sa Isiah Medical Hospital sa Odiongan samantalang ang mga suspek ay posibleng maharap sa kasong Frustrated Homicide.
Hawak ni PO3 Rodel Mendoza ng San Agustin Municipal Police Station ang nasabing kaso.