Batay sa tala ng Department of Health (DOH) – Romblon, umakyat na sa 44 ang kaso ng Dengue sa Romblon simula Enero 1 hanggang Marso 1.
Tinukoy ni Ralph Falculan ng DOH Romblon ang mga bayan na nakapagtala ng suspected dengue cases na kinabibilangan ng Looc na may 12 kaso, Romblon na may naitalang 11, San Jose na mayroong limang kaso, Santa Fe na kinakitaan din ng lima, Odiongan na nakapagtala ng limang kaso, Alcantara na may apat na kaso, Cajidiocan at San Andres na parehong may tig-isang kaso.
Sa press release na inilabas kahapon ng DOH – Center for Health and Development Mimaropa, base sa pinakahuling datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), nasa 1,121 kaso na ng Dengue ang naitala ng Department of Health sa rehiyon ng Mimaropa. 95.98 porsiyento na mas mataas kumpara sa 572 na naitala ng DOH sa kaparehong mga buwan noong 2018.
Kumpiyansa naman si DOH Regional Director Dr. Mario Baguilod na alam ng mga local government units (LGUs) ang dapat nilang gawin sakaling makaranas ng Dengue outbreak sa kanilang lugar.
Ayon sa pamunuan ng DOH – Romblon, nagpapatuloy ang 4s campaign ng DOH at mayroon na ring mga LGUs ang nagpapausok sa kanilang mga nasasakupan para mapatay ang mga lamok na may dalang dengue virus. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)