Isa ang bayan ng Odiongan sa nakinabang sa twenty-one unit na emergency vehicles na ibinigay ng Japanese government sa Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Lunes, March 25.
Pinangunahan ang turn-over ceremony nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Japan Ambassador Koji Haneda sa BFP National Head Quarters sa Quezon City.
Sa pahayag ni Japan Ambassador Haneda, sinabi nito na ang nasabing mga rescue vehicle ay hindi lang magsisilbi bilang suporta ng Japan sa BFP kundi pagpapaalala na close ally ng Japan ang Bureau of Fire Protection.
Ang mga nasabing emergency vehicles na binubuo ng 14 ambulances, 6 pumpers, at 2 rescue trucks ay dagdag sa 54 emergency vehicles na ipinagkaloob ng Japan sa Visayas at Mindanao simula pa 2014.
Maliban sa Odiongan, nabigyan rin ng sasakyan ang mga munisipyo ng Sta. Maria sa Pangasinan; Bauang sa La Union, Solano at Bayombong sa Nueva Viscaya; Sta. Maria sa Bulacan; Lubao sa Pampanga; Goa sa Camarines Sur; Sta. Marcela sa Apayao; Lasam sa Cagayan; at Maoyoyao, Lamut, at Kiangan sa Ifugao.
Nakatanggap rin ang mga siyudad ng Tuguegarao, San Jose sa Nueva Ecija; Olongapo, San Fernando sa Pampanga; Imus sa Cavite; Calamba sa Laguna; Ligao sa Albay; at Baguio City.
Sa Facebook post ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, sinabi nito na napasali ang Odiongan sa mga nabigyan dahil sa ginawang effort ni Senior Fire Officer 3 Joey Selorio ng BFP-Odiongan.
Ang nasabing firetruck ay pang lima na sa firetruck ng bayan ng Odiongan.