Patay ang isang rider sa Odiongan matapos na masangkot sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa Barangay Patoo nitong hapon ng Linggo, March 03.
Kinilala ni Police Major Brian Fallurin, hepe ng Odiongan Municipal Police Station, ang nasawing rider na si Erwin Empasta Fetalvero, 44-anyos.
Batay sa police report, bandang 5:40 ng hapon, binabaybay ng isa pang rider na si Nomeriano Mijora, 44, sakay ang isang menor de edad, patungong Barangay Dapawan nang makasalubong si Fetalvero. Nawalan umano bigla ng kontrol si Fetalvero sa kanyang motorsiklo at lumipat sa linya ni Mijora dahilan upang magsalpukan ang dalawang motorsiklo.
Sa lakas ng salpukan ng dalawang motorsiklo, tumilapon ang mga sakay nito kabilang ang batang sakay ni MIjora. Agad naman silang isinugod sa ISIAH Hospital & Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival si Fetalvero.
Ligtas na rin ngayon ang lagay ni Mijora at ang kasama niyang bata.
Samantala, dinala na sa Odiongan Municipal Police Station ang mga sangkot na motorsiklo habang inihahanda ng opisina ang kasong Reckless Imprudence resulting in Homicide and Damage to Property na posibleng ikaso kay Mijora.
Hawak ni Police Senior Master Sergeant Bambi Salvador ang imbestigasyon sa kaso.