Kaugnay ng paggunita ngayong Marso ng ‘Fire Prevention Month’, ang Bureau of Fire Protection (BFP) – Romblon ay nagpaalala sa publiko na magdoble ingat sa sunog ngayong panahon ng tag-init.
Sa programang ‘Hayagan sa Radyo’ ng PIA-Romblon, sinabi ni SFO3 Paquito R. Roco Jr., Romblon Municipal Fire Marshal, na kada taon ay iisa lang ang layunin ng BFP – ang mabawasan at maiwasan ang pagkakaroon ng sunog at maging ligtas ang lahat.
Kaugnay nito, noong unang araw ng Marso ay nagkaroon ng kick-off ceremony ang ukol sa Fire Prevention kung saan nagkaroon ng parade sa kabayanan ng Romblon na nilahukan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Pinangunahan din ng Romblon Municipal Fire Station ang pag-oorganisa ng Barangay Fire Olympics kung saan anim na grupo ng volunteer fire brigade ang sumali sa pabilisan ng paglatag ng hose (hose laying) at paghahakot ng baldeng puno ng tubig (bucket relay).
Tiniyak din ng BFP na palalakasin ang fire safety awareness campaign sa buong buwan ng Marso.
Ayon naman kay SFO1 Arnold Z. Andrade, maraming kailangang tandaan upang makaiwas sa sunog ngunit ang pinaka-importante ay ang maging alerto at maging handa sa tahanan at sa mga sarili dapat mag-umpisa ang pag-iingat.
Kung matatandaan, nitong nakalipas na buwan ng Pebrero, ang BFP Romblon ay may naitalang insidente ng sunog na nangyari sa bayan ng Romblon at Odiongan.
Ang Fire Prevention Month ay 49 na taon nang ginugunita ng BFP kung saan nakaangkla ito sa temang “Ligtas na Pilipinas ang Ating Kamtin, Bawat Pamilya ay Sanayin, Kaalaman sa Sunog ay Palawakin.”(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)