Aabot sa 328 na residente ng Concepcion, Romblon ang nabigyan ng trabaho sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) program o sa Emergency Employment Program (EEP), ayon sa isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) Romblon.
Ayon kay Carlo B. Villaflores, hepe ng DOLE-Romblon provincial office, nagkaroon na ng Signing of Contract of Service at Orientation nitong April 25 sa Sibale Island para sa mga magtatrabaho sa ilalim ng kanilang program.
Inaasahang 10 araw na magtatrabaho ang mga workers, katulad ng paglilinis ng kanal, tree-planting, at iba pang trabaho na priority ng kanilang barangay.
Makakatanggap sila ng MIMAROPA minimum wage na P320/araw.
Malaking tulong ang nasabing programa ng DOLE para sa mga residente na humina ang kita matapos na maapektuhan ng El Niño sa lugar.