Nakaposisyon na ang apat na palay buying stations ng National Food Authority (NFA) – Romblon para sa pagbili ng palay ngayong panahon ng anihan simula ngayong buwan.
Ayon kay NFA Provincial Manager Romulo O. Aldueza, nakaposisyon ang apat na buying stations ng ahensiya sa bayan ng isla ng Tablas, Romblon at Sibuyan upang bumili ng palay sa local farmers.
Ang mga ito ay inilagay o matatagpuan sa Fernandez Warehouse sa Poctoy, Odiongan, Romblon; NFA Romblon Provincial Office / NFA GID Warehouse sa Bagacay, Romblon, Romblon; Cajidiocan Warehouse sa Poblacion, Cajidiocan, Romblon at MLGC Warehouse sa Poblacion, San Fernando, Romblon.
Ayon kay Aldueza, bagamat walang malaking produksiyon ng palay sa lalawigan ng Romblon, naglagay pa rin sila ng buying stations para sa mga magsasakang nais magbenta ng kanilang inaning palay upang magkaroon ng option ang mga local farmers kapag binabarat sila ng ilang rice traders.
Ang ahensiya ay bibili ng malinis at tuyong palay mula sa mga magsasaka sa halagang P17 kada kilo at karagdagang insentibo na P3 kada kilo bilang buffer stocking incentive, sila man ay indibidwal o miyembro ng kooperatibang pang-magsasaka.
Para sa indibidwal na magsasaka, mabibigyan sila ng 20 sentimo kada kilo sa delivery fee at dagdag na 20 sentimo kada kilo sa drying fee.
Habang ang mga miyembro ng kooperatiba naman ay maaaring makakuha ng parehong insentibo at karagdagang P0.30 kada kilo bilang bayad sa cooperative development incentive.
Ang programang ito ng NFA ay nakatutulong din sa dagdag reserba ng bigas sa ahensiya.
Sa ilalim ng RA 11203 o Rice Liberalization Law, ang NFA, bilang buffer stocking agency, ay inaasahan na makapagmentina ng average na 15-30 araw na konsumo o higit pa.
Samantala, nasa 26,000 sako ng bigas ang available stock ng NFA Romblon sa ngayon na sapat pa hanggang sa Mayo at may parating pang dagdag na suplay na nakalaan para sa Hunyo-Agosto. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)