Pasado na sa Sangguniang Panlalawigan ang 2019 budget ng probinsya ng Romblon nitong Lunes, March 25, apat na araw bago umiral ang election ban.
Sa text message ni Vice Governor Jose Riano sa Romblon News Network, sinabi nito na nagpatawag siya ng special session kahapon para ma-deliberate at maipasa ang 2019 Annual Investment Program na isinumite sa kanila ng Office of the Governor.
Batay sa inaprubahan noong nakaraang buwan ng Provincial Development Council, aabot sa halos P1.3-billion ang pondo ng probinsya para sa taong 2019.
Batay sa 2019 Annual Investment Program, nabigyan ng P5-million pondo ang bawat bayan sa Romblon para sa kanilang iba’t ibang infrastructure project kabilang na ang pagtatayo ng Mainit Hot Spring sa bayan ng Corcuera, at pagsasaayos sa iba’t ibang provincial road sa mga munisipyo.
Kabilang rin sa naipasang 2019 Annual Investment Program ang dagdag sahod ng mga empleyado ng provincial government, at ang pagtataas sa bayad sa terminal leave ng mga three termers Sangguniang Panlalawigan members.
Kasama ring napondohan rito ang pambili ng gamot para sa acquired immune deficiency syndrome o AIDS, at Human Immunodeficiency Virus (HIV).