Sabayang ginunita nitong Sabado, March 16, ang ika-118th Foundation Day at ang 74th Liberation Anniversary ng probinsya ng Romblon sa Capitol Building sa bayan ng Romblon, Romblon.
Pinangunahan ang selebrasyon ng ama ng probinsya na si Governor Eduardo Firmalo, at kasama ang nag-iisang miyembro ng lehislatibo ng probinsya na dumalo sa pagtitipon, si SP Felix Ylagan.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang misa na sinundan naman ng isang civic parade paikot ng Poblacion kung saan nilahukan ng mga empleyado ng kapitolyo, mga halal opisyal ng lokal na pamahalaan, mga estudyante at iba pang empleyado ng pang-gobyernong tanggapan sa nasyunal (national government agencies).
Matapos ang parada ay pinangunahan ng Gobernador ang pagtataas sa watawat ng Pilipinas, watawat ng Romblon at ang 17 watawat ng mga munisipyo sa buong lalawigan.
Sa pahayag ni Firmalo, sinabi nito na malaki na ang nabago sa lalawigan ng Romblon simula ng maitatag ito at sana umano ay magpatuloy pa para sa mga bagong henerasyon.
Ang Foundation Day ng Romblon ay ipinagdiriwang bawat ika-16 ng Marso sa bisa ng Republic Act 9642 habang ang Liberation Anniversary naman ay pinagdiriwang tuwing ika-18 ng Marso sa bisa naman ng Proclamation No. 430, s. 1989. Walang pasok sa lahat ng antas ng paaralan, publiko man o pribado, at sa mga opisina ng gobyerno, at pribadong kompanya sa mga nabanggit na araw.