Pinasinayaan na ang 900-killowatt na Wind Turbine at Mobile Battery Project ng Romblon Electric Cooperative (Romelco) Inc. sa bayan ng Romblon.
Ang inagurasyon ay ginanap sa Wind Turbine Site 3 sa Barangay Agnay, Romblon, Romblon kung saan dinaluhan ito ni Deputy Administrator para sa Technical Services Engr. Artis Nikki Tortola ng National Electrification Administration (NEA) at matataas na opisyal ng kumpanyang Komaihaltec Inc. at Honda Japan.
Binati at pinuri ni NEA Deputy Administrator Engr. Artis Nikki Tortola ang pamunuan ng Romelco sa matagumpay nitong pagsusulong ng renewable energy projects sa kanyang nasasakupan dahil makapagbibigay ito ng inspirasyon sa lahat ng electrification sector upang pagsumikapan at tularan din ang ganitong uri ng sustainable rural development.
Nagpahayag ng pagkatuwa ang buong pamunuan ng Romelco, sa pangunguna ni General manager Engr. Rene M. Fajilagutan, dahil sa suportang natanggap nito mula sa mga malalaking kumpanyang nagbigay daan upang maisakatuparan ang mga proyektong ito.
Pinasalamatan rin nito ang lokal na pamahalaan ng Romblon, national government agencies at iba pang sektor na nagbigay ng suporta sa kanilang tanggapan upang mapadaluyan ng maayos na serbisyo ng kuryente ang kanyang nasasakupang mga Member Consumer Owners (MCO) kung saan ito ay malinis at murang kuryente mula sa mga Renewable Projects ng Romelco.
Ang 900 KW wind turbine power plant ay nagkakahalaga ng P242 milyon kung saan ang 50 porsiyento ng kabuuang halaga ng proyekto ay grant mula sa Ministry of the Environment of Japan at sa Komaihaltec Inc. naman galing ang kalahati ng pondong ginamit dito.
Ang proyektong ito ng Romelco sa isla ng Romblon ay bahagi pa ring ng pagtalima ng kooperatiba sa isinusulong ng pamahalaan na paggamit ng renewable energy.
Ang wind turbine project at electric vehicle ay ilan lamang sa mga inisyatibo ng Romelco na naglalayong mapaunlad ang ekonomiya ng lalawigan at makatulong sa lumalalang epekto ng climate change sa buong mundo.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)