Parang pelikula na aabangan natin ang magiging epekto ng bagong Rice Tariffication Law kung saan unlimited na ang pag-angkat ng bigas sa bansa, na tiyak na ikatutuwa ng mga mahihilig humirit ng extra rice please.
Pero bago ‘yan, marami ang tumaas ang kilay sa hirit naman nitong chairman ng National Youth Commission (NYC) na sipain daw sa pagiging iskolar ng bayan ang mga estudyanteng sasama sa mga protesta laban sa gobyerno.
Hirit ng undergrad nating kurimaw, pagsikil sa freedom of expression ang nais mangyari ng opisyal. Kahit nga naman iskolar ng bayan, may sariling disposisyon pa rin naman ang mga kabataan at paninindigan pagdating iba’t ibang isyu. Bakit tatawagin pang demokratiko ang bansa natin kung gusto ng opisyal na ito na diktahan ang mga mag-aaral?
Bagaman naniniwala naman ang Malacanang na malabong mangyari ang gusto ng pinuno ng NYC, ibang usapan na raw kung ang iskolar ng bayan eh sumapi na at sumasama na sa mga pagkilos para pabagsakin ang gobyerno.
Sabi naman ng ating kurimaw, depende naman daw iyan sa uri ng pamamalakad ng gobyerno. Matatandaan daw kasi na noong panahon ng diktaturyang rehimeng Marcos, hindi nanahimik at hindi nagpasindak sa mga banta ang mga “iskolar ng bayan” at patuloy silang lumaban.
Buweno, pag-usapan na natin ang “coming soon” na epekto ng Rice Tariffication Law, na pinapangambahang may negatibong epekto sa sektor ng ating mga lokal na magsasaka kapag pinabayaan sila. Kung tutuusin, hindi lang ang mga magsasaka ang tagilid kapag hindi nabalanse at naplano nang mabuti ang implementasyon ng batas na ito—pati ang food security ng ating bansa, maaaring manganib.
Sa ilalim kasi ng bagong batas, puwede nang umangkat nang umangkat ng bigas ang mga nasa pribadong na bibigyan ng go signal ng pamahalaan na mag-angkat basta magbabayad sila ng taripa. Simple lang naman ang layunin ng batas, padamihin ang bigas na babaha sa merkado para bumaba ang presyo.
Mas maraming produkto, mas maraming magkokompetisyon, magpapabaan ng presyo. Pero tanong ng ating kurimaw na tirador ng bahaw, hindi ba’t ganito rin daw ang layunin ng oil deregulation law pero bakit mataas pa rin ang presyo ng mga produktong petrolyo at halos magkakapareho pa sila ng presyo lalo na ang mga big player?
Dahil inaasahan na babaha nga ang imported rice, hindi na kailangan ng National Food Authority na umangkat ng tinatawag na murang “NFA rice.” Ang aangkatin na lang nila ay pang-buffer stock o reserba na lang para sa panahon ng emergency. Kung mas mababa pa sa P27 per kilo ng NFA rice ang magiging presyo ng imported rice na aangkatin ng private sector, hindi pa natin alam.
At dahil mababawasan na ang trabaho ng NFA, nanganganib din na mawalan ng trabaho ang marami sa kanila. Pero hindi lang ang mga kawani ng NFA ang posibleng mawalan ng kabuhayan, kung hindi maging ang mga magsasaka at mga trabahor sa bukid, at pati ang mga taga-tistis ng palay o rice miller.
Papaano nga naman kung sadyang bumaha ang bigas na imported at hindi na kayanin ng mga magsasaka ang makipagkompitensya sa presyo? Paano na sila? Ang lagi kasing paliwanag ng mga magsasaka noon, kaya hindi nila maibenta ang kanilang palay sa NFA ay dahil mababa ang presyong iniaalok ng ahensiya habang malaki naman ang gastos nila sa produksyon.
Isa pang sinasabing dahilan kaya walang maibentang palay ang mga magsasaka sa NFA ay dahil naipangutang na nila sa traders ang kanilang gagastusin sa pagtatanim. Kumbaga, itinatanim pa lang nila ang palay, pambayad na sa utang. Eh kapag binagyo pa at nawasak ang kanilang tanim, aba’y baon pa ngayon sila sa utang.
Pero dahil batas na ang Rice Tariff Law, umaasa na lang ang ating kurimaw na may maganda sanang programang nakapaloob sa batas na ito para mapahusay ang sektor ng pagsasaka nang hindi tayo umasa naman sa bigas ng ibang bansa sa habang panahon. Gugulin sana ang kikitain sa taripa upang maisaayos ang mga sakahan, patubig, mga makina tulad ng traktora na magagamit ng mga magsasaka. Isama na rin ayudang pinansiyal sa mga magsasaka at manggagawa sa bukid na masasapol ng batas.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)