Dalawang malungkot na balita ang bumalandra sa atin sa nakaraang linggo —ang pagpanaw ng isa na namang OPM legend na si Pepe Smith at ang nakagagalit na Jolo bombing.
Hindi nga maipinta ng kurimaw nating “rocker” ang kaniyang mukha dahil sa lungkot nang mabalitaan na sumakabilang buhay na ang kaniyang 71-anyos na idol na si Pepe, ang Ama ng Pinoy Rock.
Hindi man natin kapanahunan ang pamamayagpag ni Pepe bilang singer, pero madalas naman nating marinig pa rin ang kaniyang mga awitin. Kabilang na ang mga pinasikat nilang kanta ng dati niyang banda na “Juan dela Cruz,” kung saan kasama niya ang kapwa niya OPM legends na sina Wally Gonzales at Mike Hanopol.
Kung hindi mo alam ang mga classic song na “Himig Natin,” “Beep, Beep,” “Balong Malalim” at “Panahon,” aba’y kawawa ka naman. May Youtube naman ngayon kaya i-reach mo na lang para hindi ka mapag-iwanan sa kuwentuhan.
Ilang buwan pa nga lang ang lumilipas mula nang pumanaw din ang isa pang haligi ng OPM na si Rico “Baby” Puno, ngayon, si Pepe Smith naman. Sadyang mabilis ang panahon at tila nagkakaroon na ng pasahan ng baton ang mga idol natin.
Pero gaya nga ng sinabi niya sa isang panayam noon sa telebisyon, “Kapag umalis ako, ok lang. Ituloy niyo yung mga maiiwan, tuloy lang. Rock and roll pa rin kayo.” Kaya sa’yo Ka Pepe Smith, salamat sa iyong himig.
Samantala, kasasabi lang natin sa nakaraan nating pitak ang pag-asam natin na makamtan na sana ng Mindanao ang hinahangad na kapayapaan sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at paglikha ng BARMM o Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM, pero bigla namang naganap ang dalawang pagpapasabog sa Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Kung hindi ito ang pinakamatindi, malamang isa ito sa pinakamatinding pag-atake sa loob ng isang simbahan sa Pilipinas. Dalawang bomba ang itinanim (isa sa loob at isa sa labas), na dahilan ng pagkasawi ng hindi bababa sa 20 katao at ikinasugat ng mahigit 100 iba pa.
Mantakin niyo, ginawa ang pagpapasabog habang may idinaraos na misa. At batay sa mga ulat, matapos ang unang pagsabog sa loob ng simbahan, sumabog ang isa pa malapit sa pintuan ng simbahan kung kailan palabas ang mga galing sa loob, at papasok naman ang mga nais sumaklolo.
Malinaw ang pakay ng nasa likod ng pag-atake, pumatay nang marami at hindi lang manakot. Ang tanong, mahuli kaya at mapapanagot ang tunay na mga responsable? O baka naman “the usual” suspects na madaling ituro ang mapupuntirya pero mahirap hulihin gaya ng mga rebelde at bandido.
O baka naman biglang lumitaw ang anggulong gawa ng drug lords na nasagasaan ng war on drugs?
Nakalulungkot at nakadidismaya na naganap ang pambobomba habang nakapailalim sa martial law ang Mindanao. At tila nahihiya pa ang mga awtoridad na aminin na may “failure of intelligence” o sabihin nang direkta na “nalusutan” na naman sila… gaya ng nangyari sa Davao City night market noong 2016.
Sabi kasi ng mga awtoridad, batid nila na may banta sa naturang simbahan na ilang beses na rin hinahagisan ng bomba o granada sa labas noon pero hindi sa loob. Kaya naman daw guwardiyado nang husto ang paligid ng simbahan. Pero ano man ang paliwanag, nangyari ang pagsabog sa loob mismo ng simbahan kaya malinaw na nalusutan ang mga dapat nag-secure sa lugar.
Ganito rin ang paliwanag ng mga awtoridad nang mangyari ang night market bombing sa Davao City na ikinamatay ng 14 katao at ikinasugat ng mahigit 60 iba pa. Alam daw nila ang banta ng pag-atake kaya naghigpit sila pero nalusutan pa rin. Ibig sabihin, kulang ang pangangalap ng impormasyon ng mga dapat mangalap ng impormasyon.
Wala kayang impormasyon na galing sa US o Europe, o kaya sa friendship nating China tungkol sa planong pambobombang gagawin sa simbahan?
Pero wala na tayong magagawa dahil ika nga eh naganap na. Bumawi na lang ang mga dapat bumawi at bigyan ng hustisya ang mga biktima. Dapat tiyakin din nila na hindi na [muna] mauulit ang pambobomba lalo na sa Metro Manila dahil kahiya-hiya na talaga kapag nasundan pa.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)