Isang seaman ang naaresto ng otoridad matapos mabilhan di umano ng iligal na droga sa isang anti-illegal drug buy-bust operation sa bayan ng San Andres, Romblon nitong Linggo ng hapon, February 17.
Kinasa ang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Provincial Intelligence Branch, San Andres Municipal Police Station, Romblon Provincial Highway Patrol Group, at Romblon Provincial Mobile Force Company laban sa suspek na kinilalang si Erwin Carandang, 45-anyos, residente ng Barangay Poblacion sa nasabing bayan.
Ayon sa spot report ng San Andres Municipal Police Station, isang agent ng PDEA ang nagpanggap na poseur buyer at di umano’y nabilhan ng isang sachet na pinagbabawal na shabu ang suspek sa halagang P2,000 kung saan P1,500 rito ay boodle money.
Matapos na maaresto ang suspek, dinala ito sa San Andres Municipal Police Station para sa kanyang booking procedure.
Sa panayam sa suspek ni Emmanuel Eranes ng Radyo Natin-Odiongan, itinanggi nito na sa kanya ang nakuhang iligal na droga ng otoridad ngunit hindi nito ipinagkaila na gumamit ito noong Disyembre ng nakaraang taon.
Hindi naiwasang umiyak ng suspek dahil paalis na sana ito sa susunod na buwan patungong Japan para sumakay ng barko.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.