Opisyal ng idineklara ngayong araw ng Armed Forces of the Philippines, at Philippine National Police na ‘rebel-free’ na ang probinsya ng Romblon.
Pinangunahan ang seremonya nina Secretary Dennis Hernandez, Presidential Adviser for Southern Tagalog; MGen. Gilbert Gapay, Commander ng AFP Southern Luzon Command; Police Director Ericson Velasquez, Directorate for Integrated Police Operations ng Southern Luzon; MGen. Rhoderick Parayno, Commander ng Joint Task Force Katagalugan; Romblon Governor Eduardo Firmalo; at Chief Supt. Tomas Apolinario Jr, Regional Director ng Police Regional Office MIMAROPA.
Ayon kay MGen. Gilbert Gapay, taong 2009 pa ng huling magkaroon ng sightings ng mga miyembro ng teroristang grupo sa probinsya ng Romblon katulad ng New People’s Army (NPA).
Dapat umanong ipagmalaki ito ng probinsya dahil sa Southern Luzon, Romblon palang ang kanilang naidedeklara na insurgency-free province.
Pinasalamatan naman ni MGen. Gapay ang Provincial Peace and Order Council (PPOC) na nasa pangunguna ni Romblon Governor Firmalo na nagtaguyod para maging rebel-free ang lalawigan. Aniya, matapos ang 10 taong pag-validate sa request ng PPOC na gawing insurgency-free ang probisnya ay napagbigyan na ito.
Sa maikling pahayag ni Governor Firmalo, sinabi nito na malaking tulong sa turismo, at ekonomiya ang pagiging ‘insurgency-free’ at ‘drug cleared’ province ng lalawigan ng Romblon.
Aniya, hindi matatakot ang mga turistang bumisita sa lalawigan kung alam nilang ligtas sila kapag nasa lupain o karagatan sila na sakop ng Romblon.
Hinikayat naman ni MGen. Gapay ang publiko na maging vigilant kung sakaling may makita na hindi familiar ang mukha sa kanila, o di kaya ay magsumbong sa mga kapulisan ng Romblon Police Provincial Office kung sakaling may matanggap silang impormasyon na may pumasok na NPA sa kanilang lugar.
Sinagot naman ni MGen. Gapay na kung sakaling magkaroon ng sighting ng NPA sa Romblon, hindi naman umano agad-agad tatanggaling ang title na ‘insurgency-free’ ang probinsya kundi idadaan pa sa verification ang nasabing sighting.