Ang proyektong “Pedal para sa Pinadaling Pag-Eskwela” ay ilulunsad ng DepEd-Romblon, sa pakikipagtulungan ng Bike for the Philippines Foundation, sa Abril 2019 na gaganapin sa Macario Molina Memorial National High School.
Sinabi ni Schools Division Superintendent Roger F. Capa na malaking tulong ito sa mga mahihirap at piling mag-aaral na walang pampamasahe at nagtitiis maglakad ng napakalayo makarating lang sa kanilang paaralan, makapagtapos ng pag-aaral at makahulagpos sa tanikala ng kamangmangan at kahirapan.
Aniya, kapag naging maayos at matagumpay ang implementasyon, dadalhin ang programa sa iba pang mga paaralan sa lalawigan na nasa malalayo at liblib na lugar.
“Matapos nating bigyan ng mga libreng sapatos sa tulong ng ating mga sponsors noong nakaraang Disyembre ang ating mga mag-aaral na naglalakad ng tatlong kilometro at higit pa para lamang pumasok sa kanilang paaralan, ngayon naman ay bisekleta ang ating ipapamahagi sa kanila,” pahayag ni Capa.
“Nagsimula ang lahat nang mapanood natin sa telebisyon sa programang I-witness ang tungkol sa isang NGO na Bike for the Philippines Foundation na namamahagi ng mga bisekleta para sa mga mag-aaral na naglalakad ng malayo papasok sa kanilang paaralan. Agad tayong nagpadala ng sulat at nakipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng ating SocMob Specialist Maricel Rodil,” dagdag na paliwanag ng opisyal.
Hiningan sila ng project proposal ng nasabing NGO kung saan kanilang pinangalanang “Pedal para sa Pinadaling Pag-Eskwela” kasama ang sustainability plan at isang recipient-school para sa naturang proyekto.
Ayon pa kay Capa, naging positibo ang sagot ng Bike for the Philippines Foundation kung saan dumating sa kaniyang opisina ang Program Director nito na si Joel Uichicho at mga kasama upang ipaalam sa kanila na aprubado na ang kanilang isinumeting proposal at pinuntahan ng grupo ang ang Macario Molina National High School na unang magpapatupad ng programa.
Ang mga mag-aaral sa Romblon aniya ang dahilan ng kanilang mga pagsisikap, pagpupunyagi at ang kapakanan ng mga ito para sa magandang kinabukasan ang laging nasa kaniyan isipan.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)