Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) – Mimaropa ‘rice program’ na tumaas ng 4.6 percent ang aning palay sa rehiyon sa nagdaang taong 2018 kumpara sa nakalipas na 2017.
Sa tala ng ahensiya, umabot sa 4.01 metriko tonelada ang naging produksyon ng palay noong 2018 sa kabila ng magkakasunod na bagyong naranasan ng mga probinsya ng Mindoro Occidental, Oriental, Marinduque, Romblon at maging ng Palawwan.
Ang naramdamang paglago ay dahil sa naging mataas na produksyon nito na 1.231 MT, base sa datus ng Philippine Statistics Authority (PSA), kung saan umangat ito ng 6.13% o katumbas ng 71,158 MT mula 2017.
Ito ay bunsod na rin ng pagpapalawak ng mga lugar sakahan at paggamit ng mataas na kalidad na binhi ng palay.
Ayon naman sa datus ng lokal na pamahalaan, ang 72% ng lawak ng mga sakahang ani ay bunga ng paggamit ng mataas na kalidad ng binhi.
Samantala, base sa tala ng PSA, lumalabas na mayroong lawak na halos 307,000 ektarya ng sakahan ang nakapag-ani noong nakalipas na taon na tumaas ng 4,000 ektarya.
Ito ay bunsod na rin ng mga bagong itinayong pasilidad ng irigasyon at iba pang kagamitan na nakatutulong ng husto sa mga magsasaka sa panahon ng tag-init at kinakapos sa tubig ang mga sakahan. (Leila B. Dagot/PIAMIMAROPA-Palawan)