Pasado na sa second reading ng Sangguniang Bayan ng Odiongan at nasa third and final reading na ngayon ang proposed 2019 Annual Investment Program (AIP) ng lokal na pamahalaan para sa taong 2019 sa naganap na regular session ng Sangguniang Bayan nitong Lunes, February 11.
Ito ay kasunod ng pag reconvene ng Municipal Development Council (MDC) nitong nakaraang Linggo kung saan na pag-usapan ang Resolution No. 2019-01 o ang “Resolution Sending the MDC Budget (20% Development Fund 2019) to the MDC for their Consideration and Further Deliberation on the Proposal of the Sangguniang Bayan of Odiongan, Romblon”.
Nagkasundo ang MDC na wala silang babaguhin sa kanilang ipinasang annual development projects at isaalang-alang nalang ang mga suhestiyon ng Sangguniang Bayan patungkol sa health, livelihood, at potable water system sa 2020 annual development projects.
Ayon kay SB member Romeo Chua, chairman ng committee on appropriation, posibleng ngayong Biyernes ay magpatawag ng special session para sa third and final reading ng proposed 2019 budget.
Ang nasabing 2019 Annual Investment Program (AIP) na proposal ng executive department ay nagkakahalaga ng halos P174-million.
Pinasalamatan naman ni SB member Diven Dimaala ang buong konseho dahil natapos na umano ang kanilang pagbabangayan sa annual development projects dahilan upang maantala ang pagkakapasa ng 2019 budget.