Gustong paimbestigahan ng Sangguniang Bayan ng Odiongan ang ipinagawang rural health center ng Department of Health – MIMAROPA para sa bayan ng Odiongan dahil taong 2016 -2017 pa umano ito sinimulan ngunit hindi parin natatapos.
Ayon kay SB Rollie Lachica, chairman ng Committee on Health ng Sangguniang Bayan ng Odiongan, aabot sa 5 million pesos ang budget ng nasabing health center para sa phase 1 ng construction ngunit makikitang poste ng bakal lamang ang naitayo sa nasabing health center.
Hindi umano naniniwala si SB Lachica, gayun rin si SB Butchoy Arevalo, na hanggang doon lang ang aabutin ng halos 5-million pesos na proyekto.
Malaking tulong umano sana kung matapos na agad ang nasabing health center dahil maraming senior citizen at mga may sakit ang nahihirapan umakyat sa ikalawang palapag ng Municipal Hall ng Odiongan para lang makatungo sa pansamantalang pwesto ng Rural Health Unit.
Sa panayam naman nitong Lunes kay Dr. Angelo De Leon ng RHU-Odiongan, sinabi nito na nagkaproblema umano ang DOH-MIMAROPA sa project dahil pinagpasa-pasahan umano ng mga sub-contractor ang nasabing proyekto mula sa orihinal na contractor nitong LDV Construction.
“2016 na program yan, hindi downloaded sa munisipyo, kumbaga region ang nag-bidding, nag contract, nag-award. Naka state yan na P5-million kaso nagka-problema sila sa region, nagka-problema sa region, yung contractor nag sub-contractor, yung sub-contractor nag sub-contractor pa, tapos nagka-problema yung sub-contractor kaya hindi siya nagtuloy-tuloy,” ayon kay De Leon.
Nakakuha rin umano sila ng certificate of completion na nagsasabi na tapos na ang phase 1 ng proyekto.
Ayon rin kay Dr. De Leon, sinabi umano sa kanila ng DOH na ang outcome umano dapat ng phase 1 ay may poste, may tambak, may slub, at flooring, ngunit malayo ito sa kasalukuyang kondisyon ng itinatayong Health Center.
Ngayong 2019, posibleng simulan na ang phase 2 ng construction ng RHU Building ngunit munisipyo na ang magpapatrabaho nito at hindi na umano Department of Health.
Ayon kay De Leon, munisipyo ng Odiongan ang magpapa-bid, at magmo-monitor, pero DOH-MIMAROPA umano ang magbabayad sa mananalong contractor kaya walang pera na madodownload sa munisipyo.
May parehong itinatayong health center rin umano sa mga bayan ng Ferrol, at Looc, sa Tablas Island na hanggang ngayon ay hindi pa natatapos o di kaya ay poste lang rin ang naitayo.
Paliwanag ng engineer ng DOH-MIMAROPA na naka base sa Romblon, natapos ng LDV Construction ang kanilang trabaho base sa program of works na ginawa ng kanilang kagawaran. Read more: DOH Engineer: Natapos ng Contractor ang Phase 1 ng mga Health Centers