Umaaray na ang mga indigent senior citizens sa bayan ng San Andres dahil sa mahigit tatlong buwang delayed distribution ng kanilang social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa naganap ng pagpupulong nitong Huwebes, January 31, sa conference room ni Mayor Arsenio Gadon, naglabas ng hinaing ang mga senior citizens na sana ay marelease na ang pondong ibinigay ng DSWD sa San Andres para sa kanila.
Ayon kay Sangguniang Bayan member Nonoy Mortel, ang mahigit P1.8-million na pera para sa mga matatanda mula sa DSWD ay nasa account na ng Munisipyo ng San Andres noon pang nakaraang buwan ngunit hindi pa umano naibaba dahil nagastos na umano pambayad sa isang contractor.
Ipinaliwanag naman ni Ivan Kim Santillana, Municipal Accountant ng San Andres, sa mga dumalong indigent senior citizens na ang pera na pumasok noong Disyembre ay pumasok sa general fund ng bayan, at nauna umanong mag-process ng papeles ang isang contractor kaya sila ang unang nabayaran.
Hindi umano alam ng opisina na may pumasok na pera mula sa DSWD hanggang sa makatanggap sila ng communication noong ikalawang linggo ng January 2019, kaya ang contractor na R.G. Florentino Construction and Trading ang unang nabayaran ng munisipyo.
Kinulang umano ang pera sa general fund dahil di umano sa pagkakamali ng dating accountant noong 2016 kung saan ibinawas sa general fund ng munisipyo ang pambayad sa isang contractor para sa trading post sa halip na sa trust fund ng munisipyo kukunin. At dahil may natirang pera sa trust fund ng munisipyo na pambayad sana sa contractor, hindi ito nagalaw simula 2016, hanggang sa maging dormant account ito, ayon kay Santillana.
Sinabi ni San Andres Mayor Arsenio Gadon na hinihingi lang sa kanila ng Landbank ay ang requirements para ma-reactivate ang nasabing dormant account para mailipat ito sa general fund, at magamit sa payout ng social pension sa mga naghihirapa na senior citizens, at isa rito ay ang resolution mula sa Sangguniang Bayan na nagsasabing i-reactivate ang nasabing account, na hindi pa naipapasa ng konseho.
Sa mensahe ni SB Mortel sa harap ng mga senior citizens, sinabi nito na dapat pa nilang pag-aralan ang nasabing resolution bago ipasa para di umano hindi sila makasuhan dahil ‘tadtad’ na di umano sila ng kaso.
Nangako si Gadon na ibibigay agad sa mga senior citizens ang kanilang pension kung sakaling matapos ang problema nila sa nasabing dormant account.