Ang Ruel Foundation, Philippine Band of Mercy at Smile Train Philippines, sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon, ay magbibigay ng libreng operasyon para sa mga bingot (Cleft Lip) at ngongo (Cleft Palate) sa Romblon Provincial Hospital (RPH).
Ayon kay Dr. Marvin Serrano, kada taon ay regular ng nagsasagawa ng surgical outreach ang kanilang grupo sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyong Mimaropa para magbigay ng bagong ngiti sa mga paslit na may ganitong uri ng kapansanan.
“Maituturing na isang global crisis ang pagkakaroon ng mga batang ipinanganak na may cleft lip at cleft palate kaya naman inialok ng kanilang grupo ang libreng surgery operation para sa mga bata,” paliwanag pa ng doktor.
Aniya, ang nasabing operasyon ay aabutin lamang ng 45 minuto at makapagbibigay na ito ng panibagong pag-asa para sa pasyente upang harapin ang kinabukasan na may ngiti sa kanyang mga labi.
Ang naturang grupo ng mga manggagamot ay magsasagawa ng pre-screening sa Hunyo 11 sa mga pasyenteng nais sumailalim sa operasyon na gagawin sa Kulit Bulilit Clinic, Brgy. Liwanag, Odiongan, Romblon. Ang admission ay sa Hunyo 17 at isasagawa ang operasyon sa Hunyo 18, sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan.
Para sa karagdagang impormasyon at katanungan, maaaring tumawag o magtext sa 09202390551 at hanapin lamang si Doc Marvin Serrano.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)