Dumating na noong Biyernes sa pantalan ng Romblon ang karagdagang 30,000 sako ng bigas ng National Food Authority para sa mga consumers sa probinsiya ng Romblon na lulan sa Martam barge na naglayag galing ng Batangas.
Sinabi ni NFA Provincial Manager Romulo O. Aldueza na ididiskarga sa Romblon port ang 20,000 sako ng bigas na nakalaan para sa isla ng Romblon, Tablas, Banton at Corcuera samantalang ang natititrang 10,000 sako nito ay ihahatid ng barge sa Azagra port sa isla ng Sibuyan.
Ang naturang 10,000 sako ng NFA rice para sa Sibuyan island ay paghahatian ng mga NFA accredited outlets sa bayan ng San Fernando, Cajidiocan at Magdiwang.
Sinimulan na ang paghahakot ng bigas sa warehouse ng NFA sa bayan ng Romblon. Sa susunod na mga araw ay dadalhin na rin sa bayan ng Odiongan ang nakalaang bigas para sa Tablas island.
Ayon pa kay Aldueza, ang karagdadang suplay ng NFA rice ay magtatagal hanggang sa Mayo o depende sa ilalabas na instruksiyon ng NFA Regional Office dahil sa pagkaka-apruba ng SB 1998 o Rice Tarrification Law.
Bukod aniya sa maraming suplay ng commercial rice sa mga pamilihan at wala ring dapat ipag-aalala ang mga taga-Romblon sa pagbili ng murang NFA rice spagkat dumating na karagdagang suplay nito sa lalawigan.
Ayon sa pamunuan ng NFA-Romblon Provincial Office, mabibili ang NFA rice sa halagang P32.00 at P27.00 bawat kilo sa mga awtorisadong tindahan nila.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)