Wala paring quorum dahil sa absent na mga Mayors ang sana’y 2019 1st semester Provincial Development Council Meeting na ginanap sa Odiongan, Romblon nitong Miyerkules, February 06.
Layunin sana sa meeting ang maipasa ng PDC ang 2019 Annual Investment Program ng probinsya na inaantay nalang para maipasa ang kabuoang budget ng lalawigan ng Romblon para sa taong 2019.
Matatandaang ikaapat na subok na itong ginanap nitong Miyerkules na Provincial Development Council Meeting ngunit katulad ng naganap noong January 11, 17, at 24 ay wala paring nabuong quorum dahil sa hindi nakakadalong mga alkalde ng bawat bayan.
Ang mga dumalong mayor lamang ay sina Corcuera Mayor Bañares, Mayor Samson ng San Jose, Mayor Babera ng Calatrava, Mayor Gadon ng San Andres, at Mayor Fabic ng Odiongan dagdag pa rito ang ang apat na representative ng Non-Governmental Organisation na miyembro rin ng PDC.
Absent ang mga alkalde ng Ferrol, Looc, Alcantara, Sta. Fe, Sta. Maria, San Agustin, Romblon, San Fernando, Magdiwang, Cajidiocan, Banton, at Concepcion.
Dahil sa kakulangan ng quorum, wala paring napag-usapang agenda ang konseho kaya agad na winakasan ni Romblon Governor Eduardo Firmalo ang pagpupulong.
Napagkasunduan na sa February 25, sa Manila nalang i-reschedule ang Provincial Development Council Meeting para masigurong dadalo ang lahat.