Patuloy ang Department of Health- Mimaropa at ang mga lokal na pamahalaan sa pag-apila sa mga kababayan na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas o Measles.
“Nagsusulputan na po ang mga kaso ng tigdas, ayaw nating mangyari sa Mimaropa ang nangyari sa ibang rehiyon,” pahayag ni Teresa Du, ang DOH-Mimaropa Expanded Program on Immunization Coordinator.
“Libre (ang bakuna) sa mga health center…ang bakuna ang pinaka-epektibo proteksyon laban sa Tigdas”, dagdag ni Du
May tatlumpung taon nang ginagamit ang Measles vaccine sa Pilipinas, ayon pa kay Du.
Ang Tigdas o Measles ay isang uri ng sakit dulot ng Measles Virus na maaring maging sanhi ng kamatayan kapag napabayaan o hindi naagapan.
Dalawa ang naiulat na namatay sa tigdas sa Mimaropa: isa sa Soccoro, Oriental Mindoro at isa sa Coron, Palawan. Ito ay batay sa monitoring ng Regional Epidemiology Surveillance Unit mula Enero 1 hanggang Pebrero 8.
Kasama ang dalawang kaso ng mga namatay sa kabuuan na 185 na bilang ng mga kaso ng tigdas sa Mimaropa: 151 sa Oriental Mindoro, 17 sa Palawan, Isa sa Puerto Princesa City, 10 sa Occidental Mindoro, apat sa Romblon at dalawa sa Marinduque.
Sinabi ni Du na ang 159 sa 185 na kaso ng tigdas ay pawang hindi nabakunahan o walang bakuna.
Karamihan ng mga kaso ay nasa pagitan ng isa hanggang sampung taong gulang.
TIniyak ni Du na magpapatuloy ang pangangampanya ng pamahalaan para makumbinsi ang mga magulang na ipabakuna ang kanilang mga anak.
Sa ngayon, masigasig ang pagbisita sa mga bayan at pagmomonitor sa mga kasong Tigdas.
Noong inilunsad ang Supplemental Immunization Activity (SIA) noong nakaraang Setyembre at isinagawa hanggang Enero, umabot lamang sa 180,547 bata ang nabakunahan ng MMR o Measles-Mumps-Rubella ng DOH-Mimaropa mula sa target na 331,767 na mga batang eligible sa MMR.
Saklaw ng SIA ang mga anim na buwan hanggang sa wala pang limang taong gulang nq bata.
Naipapasa ng isang taong may measles ang virus sa mga droplets o patak-patak na laway na may impeksyon mula sa pagbahing, pag-ubo o maging sa hiningang naibubuga.
“Ilan sa mga komplikasyon ng tigdas ay ang pagkabulag, ngunit ang pinakakinatatakutan natin dito ay Pneumonia, yan po ang pinaka-deadly talaga,” babala ni Du.
Isang uri ng impeksyon ang Pneumonia kung saan ang air sacs ng baga ay namamaga at maaring mapasukan ng tubig o ng nana.
Ang mga sintomas ng tigdas ay ang mga sumusunod: ltuloy-tuloy ang lagnat na may antas sa sentigrado na 38 pataas, may (mapupulang) rashes sa balat, ubo, sipon at pamumula ng mata.
“Mayroon pananakit at panghiha ng katawan at kawalan ng ganang kumain. Ang rashes ay lilitaw sa mukha, sa likod ng tenga pababa hanggan sa kumalat sa katawan,” dagdag pa ni Du.
Ayon naman sa US Center for Disease Control o CDC, nakakahawa ang taong may tigdas apat bago lumitaw ang rashes at apat na araw pagkatapos ng mga itong lumabas .
Pag lumabas ang mga ganitong sintomas, pinapayuhan ni Du ang mga kababayan na isugod sa pinakamalapit na health center ang mga pasyente. (Lyndon Plantilla/PIA-Mimaropa)