Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay magtatalaga ng mga tauhan na tutulong sa Commission on Elections (COMELEC) at Philippine National Police (PNP)para sa mga gagawing ‘Operation Baklas’.
Bago pa man ang opisyal na pagsisimula ng campaign period para sa mga national candidates ay bumuo na ang komisyon ng Task Force Baklas sa iba’t- ibang bayan na binubuo ng Comelec, PNP at DPWH.
Noong ika-4 ng Pebrero ay sumulat na si Provincial Election Supervisor Atty. Maria Aurea C. Bo-Bunao kay District Engineer Napoleon S. Famadico upang hilingin ang tulong ng DPWH Romblon Engineering District sa pagbaklas ng mga illegal campaign poster.
Alinsunod ito sa Section 26 ng Comelec Resolution no. 10488 na naglalayong baklasin o tanggalin ang mga “unlawful” election materials.
Siniguro naman ni Engr. Famadico na sa bawat bayan ay may nakatalagang engineer o tauhan ang DPWH na siyang magsisilbing point person.
Babaklasin din ng Task Force ang mga malalaking tarpaulin na taliwas sa tamang sukat na itinatadhana ng poll body, maging ang mga poster at tarpaulin na hindi nakalagay sa common poster area.
Batay sa Calendar of Activities ng Comelec, ang campaign period para sa mga senador at party list groups ay simula Pebrero 12 hanggang Mayo 11, samantalang ang campaign period para sa mga local position ay magsisimula pa lang sa Marso 29 hanggang Mayo 11.
Kaugnay rin nito, hinimok ng Comelec sa lalawigan ng Romblon ang publiko na isumbong ang mga kandidato na makikitang lumalabag sa campaign rules.
Ayon sa Comelec, pwedeng ipadala ang mga ito sa kanilang official social media pages sa Facebook, Instagram, at Twitter.
Maaari rin itong ipadala sa kanilang email na talktocomelec@gmail.com at sinabi pa ng poll body na tatanggapin nito ang mga sumbong kahit mula pa ito sa mga anonymous accounts.
Dapat ay nakalagay sa sumbong ang petsa kung kailan nila nakuha ang litrato, lokasyon ng illegal campaign material at kung ito ba ay oversized o wala sa tamang lugar.
Dapat rin ay gamitin ang kanilang official hashtag na #SumbongSaComelec. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)