Binabantayan ngayon ng Department of Health – Romblon ang walong pasyente sa Romblon na pinaghihinalaang may sakit na measles (tigdas).
Ito ang pahayag ni Ralph Falculan ng DOH-Romblon nang makapanayam ng mga mamahayag sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Lunes, February 18.
Ayon kay Falculan ang bayan ng Looc ay may 3 pasyenteng pinaghihinalaang may tigdas, habang may isa naman sa Odiongan, Santa Fe, Santa Maria, Alcantara, at San Fernando.
“Kinunan na namin sila ng blood sample at pinadala na sa RITM [Research Institute for Tropical Medicine] sa Manila para masuri,” pahayag ni Falculan.
Kahit nakapagtala na ang lalawigan ng Romblon ng mga pasyenteng posibleng may tigdas, kabilang parin tayo sa probinsya na may mababang kaso ng tigdas sa rehiyon ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan).
Matatandaang sinabi ng Department of Health na babantayan nila ang rehiyon ng MIMAROPA kasunod ng pagdeklara ng outbreak sa ilang lugar sa Luzon kabilang na ang National Capital Region.
Hinihikayat ni Falculan ang mga ina na pabakunahan ang kanilang mga anak na edad anim na buwan hanggang limang taon na hindi pa nababakunahan kontra tigdas. Sa sandaling kakitaan ng sintomas ng tigdas, tulad ng lagnat, pag-ubo, pamumula ng mata, pagtatae, at rashes ay kaagad nang dalhin sa mga hospital o sa health centers ang pasyente.
Bukas umano at tatanggap ng magpapabakuna na bata ang mga rural health centers, at barangay health centers sa buong Romblon tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.